UAAP games kinansela na rin
MANILA, Philippines – Sinuspendi ng pamunuan ng University Athletic Association of the Philippines ang lahat ng volleyball games kasabay ng pagkakansela ni Pangulong Rodrigo Duterte sa klase sa Kamaynilaan dahil sa banta ng Coronavirus Disease-2019 (COVID-19) sa bansa.
Bilang tugon sa pagdedeklara ng State of Public Health Emergency ng Pangulo kasabay ng pagdami ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa ay nagpasya ang UAAP na suspendihin ang mga naka-schedule na laro mula kahapon hanggang sa Martes.
Sa unang pahayag ng pamunuan ng UAAP ay hanggang Sabado lamang ang sakop ng suspensyon.
Subalit sa emergency meeting na isinagawa ng Board of Managing Directors ay nagpasya ang UAAP na palawigin hanggang Martes, Marso 17, ang kanselasyon.
“In an emergency meeting, the UAAP Board of Managing Directors unanimously decided to extend the suspension of all UAAP events until Tuesday, March 17, to give everyone concerned enough time to adjust to the current situation,” bahagi ng pahayag ng liga.
“We will have another announcement by Monday, March 16, 2020, on how we will proceed with the rest of the UAAP season,” dagag pa ng UAAP.
Ito na ang ikalawang beses na naudlot at naurong ang game schedule ng isa mga inaabangang collegiate league sa bansa dahil sa COVID-19.
Una itong sinuspendi noong Pebrero 16 at inilipat ang opening day noong Marso 3.
Magtatapat sana kahapon ang University of the Philippines at De La Salle University men’s at women’s team, habang nakatakda ang quadruple-header sa pagitan ng Ateneo de Manila University at University of the East; at Adamson University at Far Eastern University.
Bibinyagan sana ang maaksyong paluan sa pagitan Lady Tamaraws at Lady Eagles; at Lady Warriors at Lady Bulldogs, ang banggaan ng Lady Spikers at Golden Tigresses at ng Fighting Maroons at Lady Falcons ang bagong bihis na PhilSports Arena sa Pasig City sa Sabado at Linggo.
Bukod sa volleyball ay apektado rin ng nasabing kanselasyon ang mga laro sa football, softball at ang finals decider ng girls’ basketball.
- Latest