Baby Tams laban sa Baby Bulldogs sa UAAP Finals
MANILA, Philippines — Walang ipinakitang anumang kalawang ang Far Eastern University-Diliman matapos ang 23-day break nang sibakin ang No. 4 seed Adamson University, 78-65, papasok sa UAAP Season 82 boys’ basketball tournament finals kahapon sa Filoil Flying V Centre.
Matibay na depensa ang ibinigay ng No. 2 FEU laban sa best players ng Adamson na sina Jake Figueroa at sharpshooter John Erolon.
Nilimitahan ng Baby Tamaraws ang Season MVP na si Figueroa sa 11 points, habang may 7 markers si Erolon.
Ang fastbreak layup ni Penny Estacio sa huling 2:01 minuto ng fourth period ang nagbigay sa Baby Tamaraws ng 16-point lead, 72-56, na hindi na naputol ng Baby Falcons.
Nagtala si Estacio ng 18 points, 4 rebounds, 4 assists at 2 steals para sa FEU kasunod ang 14 markers ni Mark Padrones.
Haharapin ng Baby Tamaraws para sa best-of-three title series ang National University Baby Bulldogs.
Nakatakda ang Game One sa Marso 6.
- Latest