Lady Altas nagbulsa ng tiket sa final four
MANILA, Philippines — Bumirada si Jhona Rosal para pangunahan ang University of Perpetual Help Lady Altas sa 20-25, 25-17, 25-21, 25-21 paggupo sa Emilio Aguinaldo College Lady Generals at selyuhan ang kanilang tiket sa semifinal round ng NCAA Season 95 women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nagrehistro si Rosal ng 17 points mula sa 15 attacks at 2 aces para ilista ang ikaanim nilang tagumpay sa walong laro, habang nag-ambag ng 11 markers si senior spiker Blanca Tripoli.
Umariba rin si Dana Persa matapos magtala ng double-double finish sa 11 points at 12 excellent digs at nagtala si Jenny Gaviola na may 10 markers at 14 excellent sets.
Nagawa mang makabawi sa huli nilang pagkatalo kontra sa San Beda Lady Red Spikers ay aminado si coach Macky Cariño na naging mabagal ang simula ng tropa dahil na rin sa takot na magkamali at malagay sa alanganing posisyon.
“Sobrang bagal mag-start talaga. Sobrang relax, galing kasi kami sa pangit na performance against San Beda, so kinausap ko sila. Sabi ko challenge sa amin for today’s game na kailangang makuha ulit natin ‘yung panalo. Maghanap ulit kami ng winning ways,” wika ni Cariño.
Nagpasalamat pa rin si Cariño na nagising ang kanyang tropa matapos masilatan ng isang set at dinire-diretso nito ang ratsada sa huling sets para kunin ang ipanalo.
Samantala, magarbo namang tinapos ng Jose Rizal University Lady Bombers ang kanilang kampanya nang padapain ang Letran Lady Knights, 25-17, 18-25, 25-21, 25-13, para kunin ang ikaapat nilang tagumpay sa siyam na laro.
Binanderahan ni team captain Dolly Grace Versoza ang grupo matapos kumubra ng 16 points at 19 excellent digs, habang may 14 markers si Sydney Niegos.
Nagdagdag ng pinagsamang 22 puntos sina Riza Rose at Karyla Jasareno.
- Latest