Clarkson gusto muling maglaro para sa Gilas
MANILA, Philippines — Umaasa si Utah Jazz guard Jordan Clarkson na muling makapaglaro sa Gilas Pilipinas sa mga susunod na malalaking international tournaments na lalahukan ng koponan.
Mismong si Clarkson na ang nagdeklara na nais nitong bumalik sa Pilipinas para katawanin ang bansa sa international level.
“I played in the Asian Games. I missed the World Cup. Sometime in the future I’m coming back there,” wika ni Clarkson sa panayam ng Philboxing.com.
Hindi ito ang unang pagkakataon na maglalaro si Clarkson bitbit ang bandila ng Pilipinas.
Una na itong nasilayan sa aksiyon noong 2018 Asian Games sa Jakarta, Indonesia.
Matapos makakuha ng clearance sa NBA at sa kanyang dating mother team na Cleveland Cavaliers, agad itong tumulak sa Indonesia para maging bahagi ng pambansang delegasyon sa quadrennial meet.
Sa katunayan, nagsilbi pa itong flag bearer ng Pilipinas sa opening ceremony ng Asian Games.
Umabot sa quarterfinals ang Gilas Pilipinas matapos magtala ng 1-1 rekord sa Group D ngunit bigo ang tropa na umabante sa semis nang yumuko ito sa South Korea sa quarters sa iskor na 82-91.
Gayunpaman, nakuha ng Pilipinas ang fifth place nang pataubin nito ang Japan (113-80) at Syria (109-55) sa classification round.
Hindi nakapaglaro si Clarkson sa 2019 FIBA World Cup sa China dahil itinuturing itong naturalized player ayon sa FIBA rules.
Nakasama naman ng Gilas Pilipinas si Andray Blatche bilang naturalized player ng koponan.
Nagpasalamat si Clarkson sa patuloy na pagsuporta sa kanya ng Pinoy fans partikular na sa paglalaro niya sa NBA.
“Thank you for the support. I’m grateful for all that,” ani Clarkson.
- Latest