Sotto babandera sa Mighty Sports
MANILA, Philippines – Makikilatis ang pinalakas at pinabilis na si Kai Sotto mula sa kanyang bigating US training camp sa nakatakdang pagbandera sa Mighty Sports-Philippines sa 31st Dubai International Basketball Championship sa susunod na buwan.
Inihayag ng 7-foot-2 teen sensation ang kanyang desisyon na samahan ang Mighty Sports sa naturang torneo sa kabila ng siksik niyang training schedule sa ilalim ng Atlanta-based program na The Skills Factory na magiging daan niya patungo sa kanyang NBA Dream.
“I’m super excited to be coming back to Manila next month for a week to train with the Mighty Sports team under Coach Charles Tiu,” ani Sotto.
“Looking forward to playing as an amateur representing my country in the 31st Dubai International Basketball Championship. We are going for the gold!”
Bilang amateur maglalaro ang 17-anyos na si Sotto kaya’t walang dapat ipag-alala ang mga tagasuporta niya na baka maapektuhan ang kanyang eligibility kung sakaling tutuloy siya sa mga US NCAA schools.
Tiniyak ito ni Mighty Sports coach Charles Tiu na ikinatuwa nang lubusan ang pagpayag ni Sotto na samahan sila sa Dubai.
“Just to be clear, this will not affect his NCAA eligibility at all. He is playing as an amateur. So hold your horses before passing any judgment people,” ani Tiu.
Noong nakaraang linggo ay umakit ng interes si Sotto sa mga top US NCAA Division I schools dahil sa magandang pagpapamalas niya sa The Skills Factory.
- Latest