Union Bell nanguna sa 2019 PHILRACOM 3rd Leg Juvenile Colts Stakes
CEBU, Philippines — Sinisiw ng outstanding favorite Union Bell ang mga katunggali upang sikwatin ang korona sa 2019 PHILRACOM “3rd Leg Juvenile Colts Stakes Race kahapon sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Sinunggaban ng Four Strong Wind ang unahan sa largahan habang kumuha naman ng segundo puwesto ang Union Bell na nirendahan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Jonathan Hernandez.
Tatlong kabayo ang lamang ng Four Strong Wind sa backstretch pero dinikitan agad ito ng Union Bell bago sumapit ng far turn.
Papasok ng home turn ay hawak na ng winning horse ang unahan matapos lampasan ang hinihingal na Four Strong Wind.
Dahil sa pagod ay naungusan pa ang Four Strong Wind ng Lucky Savings.
Nirehistro ng Union Bell ang 1:34.6 minuto sa 1,500 meter race sapat upang bingwitin ang P1.2-M, dumating na segundo ang Lucky Savings na nagsubi ng P450,000.
Nakopo ng Four Strong Wind at Blazing Bullet ang tig-P250,000 at P100,000 ayon sa pagkakasunod.
Tumanggap naman ng P70,000 ang breeder ng winning horse mula sa Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Samantala, nagwagi si Drummer Boy sa Condition Race category 20 na nilarga sa unang karera.
Pangalawa ang Prince Popeye habang tersero ang She’s My Princess.
- Latest