3x3 action lalarga na
MANILA, Philippines — Bubuksan ng 3-on-3 team ang kampanya ng Philippine national basketball team sa 30th Southeast Asian (SEA) Games sa pagsabak nito sa inaugural staging 3x3 basketball ngayong araw sa The Arena sa San Juan City.
Unang sasabak sa women’s 3x3 sina Jack Animam, Janine Pontejos, Clare Castro at Afril Bernardino kontra sa Myanmar sa alas-9:40 ng umaga at susundan ng 11:40 na laban sa Malaysia at sa Indonesia naman sa alas-2:00 ng hapon.
Kasama rin ang apat sa Gilas women’s, na mamanduhan ni sixth-time UAAP women’s basketball coach Pat Aquino na sasabak din sa 5x5 basketball sa Disyembre 5 kontra Indonesia sa Mall of Asia Arena sa Pasay.
Samantala, babalikatin naman ni Columbian Dyip gunner CJ Perez ang 3x3 men’s team kasama sina Chris Newsome, Mo Tautuaa at Jason Perkins, na unang susubukin ang Indonesia bandang alas-11 ng umaga.
Makikipagbanggaan din ang men’s quartet ni coach Ronnie Magsanoc, sa bansang Myanmar sa alas-12 ng tanghali; Vietnam bandang alas-2:40 ng hapon at tatapusin nila ang araw kontra Thailand sa alas-3:40 ng hapon.
Ipapamalas naman ng Gilas Pilipinas ang kanilang angas pagsalang nila sa unang araw ng 5x5 men’s basketball sa Dis-yembre 4 sa Mall of Asia Arena sa Pasay kalaban ang 2015 SEA Games bronze medalist na Singapore.
- Latest