Pagod na Lakers lusot sa Memphis
MEMPHIS, Tennessee — Alam ni LeBron James at ng Los Angeles Lakers na pagod silang lalabanan ang Grizzlies para sa kanilang ikalawang laro sa loob ng dalawang gabi.
Ngunit sinandigan ng Los Angeles ang malawak nilang ekperyensa para lusutan ang Memphis, 109-108 tampok ang driving layup ni James sa huling 1:30 minuto ng fourth period na siyang naging garantiya ng kanilang panalo.
Ito ang pang-pitong sunod na arangkada ng Lakers.
“We just kept our composure,” sabi ni James. “That’s what we do. We are a very resilient team.”
Nagkaroon pa ng pagkakataon ang Grizzlies na agawin ang panalo sa natitirang 1.3 segundo kundi lamang nagkaroon ng inbound error si Kyle Anderson kay Jaren Jackson Jr.
Tumapos si James na may 30 points para sa Los Angeles, habang tumipa sina Anthony Davis, Rajon Rondo, Kentavious Caldwell-Pope at Dwight Howard ng 22, 14, 12 at 10 markers, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni Morant ang Memphis mula sa kanyang 26 points kasunod ang 21 markers ni Jae Crowder.
Sa Atlanta, ipinaalala ni Toronto coach Nick Nurse sa kanyang koponan sa halftime na higpitan ang depensa para magkaroon ng opensa.
“That’s the name of the game,” wika ni guard Fred VanVleet. “We track how many consecutive stops we got. We came out of the half and had two stops, two 3s and just built from there.”
Humataw si forward Pascal Siakam ng 34 points at nagdagdag ng 25 markers si VanVleet para tulungan ang Raptors na biguin si Trae Young at ang Hawks, 119-116.
Sinaktan ni 6-foot-9 at 230 pounds na si Siakam ang Atlanta mula sa kanyang mga mid-range jumpers at three-point shots.
- Latest