Phl 3x3 team pinagharian ang Jakarta meet
MANILA, Philippines — Maganda ang naging simula ng paghahanda ng bansa para sa 3x3 qualifiers matapos magkampeon ang Chooks-to-Go Pilipinas 3x3 squad sa Jakarta 3x3 International Invitational Challenger sa Indonesia.
Ito ay matapos walisin ng Nationals ang buong torneo, 5-0, na kinatampukan ng 21-17 panalo kontra sa host na Jakarta sa finals sa likod ng game-winning free throws ni Alvin Pasaol sa huling 2:58 minuto sa laro.
Kumamada ng kabuuang 10 points si Pasaol, habang may 7 markers naman si Joshua Munzon na nakakuha ng suporta kina Santi Santillan at Troy Rike.
Nakapasok sa finals ang Gilas matapos walisin ang eliminasyon.
Tinalo ng koponan ang Indonesia, 21-13, Chinese-Taipei, 21-9, Malaysia, 21-17, at Vietnam, 19-14.
Ang apat na manlalaro ang top-ranked 3x3 players sa bansa na posibleng bumandera sa 2020 FIBA 3x3 Olympic Qualifying Tournament sa India sa Marso.
Kabuuang 20 teams ang magsasabong sa OQT para sa tatlong tiket na nakataya patungo sa 2020 Tokyo Olympics sa Hulyo.
- Latest