Slaughter 50/50 sa SEA Games
MANILA, Philippines — Posibleng mabawasan ulit ng manlalaro ang Gilas Pilipinas sa papalapit na 30th Southeast Asian Games.
Nadale kasi ng dislocated thumb injury ang sentrong si Greg Slaughter, ayon mismo kay coach Tim Cone.
Ang naturang injury ang naging dahilan ng hindi paglalaro ni Slaughter sa 96-93 panalo ng Ginebra kontra sa TNT Katropa.
Natamo ito ng 7’0 big man sa ensayo ng Gin Kings bago ang laban kontra sa Tropang Texters papasok sa huling bahagi ng 2019 PBA Governors’ Cup.
Wala pang timeline kung kailan babalik si Slaughter, ayon kay Cone, kaya’t hindi pa alam kung makakalaro ba ito kahit sa 2019 SEA Games na nakatakda sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
Naunang nadale ng soleus muscle strain injury si Jayson Castro na dahilan ng kanyang pagkakatanggal sa 15-man training pool at pagpasok ni Kiefer Ravena bilang replacement.
Ayon kay Cone, posibleng tumagal kasi ng isang linggo o higit pa ang thumb injury ni Slaughter bago gumaling.
Kung hindi aabot si Slaughter ay maiiwan na lamang kina Japeth Aguilar, Christian Standhardinger, Vic Manuel at five-time PBA MVP June Mar Fajaro ang frontline ng Gilas.
Sina LA Tenorio, Stanley Pringle, Scottie Thompson, Chris Ross at Ravena ang tatao sa backcourt at nakatoka sina Troy Rosario, Matthew Wright, Art Dela Cruz at Marcio Lassiter sa wing position.
- Latest