Kai impresibo sa US high school tournament debut
MANILA, Philippines — Magilas ang naging US high school tournament debut ni Filipino teen sensation Kai Sotto matapos magtala ng double-double para sa koponang The Skill Factory sa pagsisimula ng Georgie Elite 8 Tip-off Classic kahapon sa McEachern High School sa Atlanta, Georgia.
Nagtala ang 7-foot-2 na si Sotto ng 18 points at 12 rebounds subalit kinapos ang TSF kontra sa IMG Academy, 65-61.
Ito ang unang opisyal na US game ni Sotto matapos ihayag kamakalawa ng gabi ang kanyang commitment sa TSF na isang Junior NBA affiliate program na humahasa sa mga batang manlalaro na nais makatuntong sa NBA.
Inaasahang mailalabas ng 17-anyos na si Sotto ang buong potensyal sa TSF lalo’t sumasali rin ang koponan sa ibang prestihiyosong torneo katulad ng NBA Academy Games at GLOBALJAM Gran Canaria.
Ilan lamang sa produkto ng TSF sina 2017 NBA MVP James Harden ng Houston Rockets gayundin sina NBA All Stars Kemba Walker ng Boston Celtics at John Wall ng Washington Wizards.
Tatangkain ni Sotto na maging kauna-unahang manlalaro na makapasok sa NBA sa 2021 na maisasakatuparan lamang niya sa pamamagitan ng patuloy na pag-eensayo sa US o di kaya ay sa Europe kung saan siya may pending offers sa mga sikat na ball clubs.
Isang taon lang ang commitment ni Sotto sa TSF kaya’t bukas pa rin siya sa mga clubs na nanligaw sa kanya ngayong taon kagaya ng Barcelona, Madrid, Estudiantes at Baskonia ng Spain gayundin ng Alba Berlin ng Germany.
Dating UAAP MVP, nilisan ni Sotto ang bansa noong Marso para ipagpatuloy ang kanyang paglalakbay sa Atlanta, Georgia matapos gumawa ng pangalan bilang pinakamagaling na teen center sa Asya sa paggabay sa Gilas Pilipinas youth sa ilang FIBA Asia podium finishes at FIBA World Cup appearances.
Bumalik siya sa bansa noong Abril para samahan ang Philippine youth team na nagtapos sa 14th place ng 2019 FIBA U19 World Cup sa likod ng kanyang mga averages na 11.7 points, 7.9 rebounds, 2.0 assists at 3.6 blocks.
Si Sotto rin ang naatasang mamuno sa Gilas squad na sasalang sa susunod na FIBA World Cup na dito gaganapin sa bansa sa 2023.
(
- Latest