Donaire pinagreretiro na ng ama
MANILA, Philippines — Kung si Dodong Donaire, Sr. ang masusunod ay nais na niyang magretiro na ang kanyang anak na si Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr.
Sariwa pa si Donaire sa masaklap na unanimous decision loss kay unified world titleholder Naoya Inoue ng Japan sa finals ng World Boxing Super Series bantamweight division sa Super Arena sa Saitama, Japan.
Nais ni Dodong na pagpahingahin na ang kanyang anak na marami na ring napatunayan sa mundo ng boksing.
May titulo si Donaire sa apat na magkakaibang dibisyon.
Nahawakan niya ang IBF flyweight noong 2007 hanggang 2009, ang WBC at WBP bantamweight titles noong 2011, ang IBF super bantamweight title noong 2012, ang WBO super bantamweight titli noong 2012 at 2016, ang WBA super featherweight title noong 2014 at WBA super bantamweight title noong 2018 at 2019.
“Kung ako lang tatanungin, ayoko na siyang lumaban pa,” wika ni Dodong sa kanyang anak. “He has nothing to prove na dahil marami na siyang napatunayan sa boxing.”
Tanggap naman ni Dodong ang pagkatalo ni Donaire kay Inoue.
Sinabi ni Dodong na may mga ilang pagkakataon na halos abot-kamay na ni Nonito ang knockout win kung saan napadugo pa nito ang ilong ng Japanese fighter.
Ngunit bigo si Donaire na sundan ang kanyang kumbinasyon dahilan para makalusot si Inoue.
Ngunit tila wala pa sa isip ni Donaire ang magretiro.
Tuloy ang laban para kay Donaire na inaasahang matikas na magbabalik-aksyon sa susunod na taon.
Target ni Donaire na makabangon at muling iangat ang kanyang pangalan sa tuktok ng boxing world.
“I’d rather put my life on that shield than give up. And that we will always fight,” pahayag ni Donaire matapos ang nasabing pagkatalo kay Inoue.
- Latest