Nationals target ang ikalawang panalo
MANILA, Philippines — Target ng Philippine national women’s volleyball team na masungkit ang ikalawang sunod na panalo kontra sa PSL Team Sparkle sa Philippine Superliga (PSL) Super Cup sa The Arena sa San Juan City.
Makakaharap ng Nationals ang PSL All-Star team ngayong alas-7 ng gabi matapos ang tapatan ng PSL Shine at University of Tsukuba sa alas-5 ng hapon.
Naging maganda ang panimula ng pambansang koponan sa three-day tournament matapos madagit ang unang panalo nang igupo ang Team Shine, 25-14, 25-18, 25-16, noong Martes.
Kahit pumabor sa kanila ang naging resulta ng una nilang laban, sinabi ni national team coach Shaq delos Santos na isang proseso ang kailangan nilang paghandaan para mas maging maganda ang kanilang laro.
“Kailangan naming i-improve I think ‘yung maging consistent pa rin kami doon sa lahat ng gusto naming laruin, especially, sa mga endgame namin,” ani Delos Santos. “Kasi isa ‘yun sa na-encounter naming problem sa Japan, everytime na nag-tune up kami, ‘yung endgame, nagiging close fight, all-24 or 23-24, pero pagdating sa endgame doon kami nagkakaproblema.”
Aariba muli para sa Nationals si kapitana Aby Maraño kasama sina Jovelyn Gonzaga, Majoy Baron, Ces Molina, Aiza Maizo-Pontillas, Maddie Madayag, Kalei Mau at Dawn Macandili.
Sa panig naman ng Team Sparkle ay pipilitin nilang makabawi matapos yumukod sa All-Japan Inter-Collegiate Champions na University of Tsukuba, 8-25, 12-25, 20-25.
Ipaparada muli ng Team Sparkle ni veteran mentor Vilet Ponce-de Leon sina Alohi-Robins-Hardy, Mina Aganon, Grethcel Soltones, Jen Reyes, Judith Abil, Caitlyn Viray, Dimdim Pacres at Jerilli Malabanan.
- Latest