Howard nakatulong sa panalo ng Lakers
SAN ANTONIO -- Si Dwight Howard ay hindi naging bahagi ng plano ng Los Angeles Lakers sa offseason.
Ngunit alam niyang makakatulong siya kina LeBron James at Anthony Davis.
Humakot si Davis ng 25 points at 11 rebounds, habang nagtala si James ng triple-double mula sa kanyang 21 points, 13 assists at 11 rebounds para sa 103-96 paggiba ng Lakers kontra sa San Antonio Spurs.
Nagdagdag naman si Howard ng 14 points at 13 rebounds para tulungan ang Los Angeles na maitala ang 5-1 record.
“Just effort and energy,” wika ng 15-year veteran center. “(James and Davis) are going to take most of the scoring bulk, so my job is just to make sure I clean up all the mistakes.”
Naglista si Dejounte Murray ng 18 points at 11 rebounds para sa San Antonio (4-2) at may 16 at 14 markers sina Rudy Gay at DeMar DeRozan, ayon sa pagkakasunod.
Nakita lamang si Howard sa siyam na laro sa nakaraang season para sa Washington Wizards dahil sa kanyang knee injury.
Nanatili si Howard bilang unsigned free agent hanggang kunin siya ng Lakers dahil sa knee injury ni DeMarcus Cousins.
Sa Los Angeles, umiskor si Kawhi Leonard ng 18 sa kanyang 30 points sa fourth quarter para pamunuan ang 105-94 panalo ng Clippers laban sa Utah Jazz.
Sa Miami, humataw si Duncan Robinson ng 23 points, habang may 21 markers si Meyers Leonard para akayin ang Heat sa 129-100 pagdaig sa Houston Rockets.
Sa Cleveland, nagtala si Luca Doncic ng triple-double para sa 131-111 paggiba ng Dallas Mavericks sa Cavaliers.
- Latest