Smashers vs Gazz Angels para sa korona ng open Conference
MANILA,Philippines — Sa pangalawang sunod na kumperensiya ay muling magsasagupa para sa korona ng Premier Volleyball League Season 3 Open Conference ang PetroGazz at Creamline matapos talunin ang kani-kanilang karibal sa Game Two ng best-of-three semifinals series kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Maagang pinauwi ng 2019 Reinforced Conference na Gazz Angels ang BanKo Perlas Spikers, 28-26, 25-17, 25-17, sa unang laro para sa kunin ang unang silya ng Finals, habang dinomina ng nagdedepensang Cool Smashers ang Motolite, 25-18, 25-15, 25-8.
Pinamunuan ni Jovielyn Prado ang PetroGazz sa pagposte ng triple-double finish na 13 points, 14 receptions at 11 digs at tumipa naman sina Paneng Mercado at Jonah Sabete ng 11 at 10 markers, ayon sa pagkakasunod.
“Na-overcome namin ‘yung challenge, not the challenge sa tournament, hindi naman namin ine-entertain ‘yung mga bashers but most of the people na nakasubaybay sa liga natin. At least kahit papaano ay nasa Finals kami at ‘yung challenge na binigay nila sa amin na-overcome namin,” sabi ni Gazz Angels coach Arnold Laniog.
Sinamantala ng Gazz Angels ang momentum na bitbit nito matapos ang tagumpay nila sa Game One at sa likod nina Sabete at Prado ay umariba sila sa second set para iposte ang 16-9 bentahe patungo sa panalo sa Perlas Spikers.
Muling nagningning si Alyssa Valdez para pamunuan ang Creamline nang magrehistro ng 15 points mula sa 10 attacks, 3 aces at 2 blocks, habang may 12 markers at 11 digs si Jema Galanza.
“Very, very happy. We’re very contented and honestly for the first time we’re complete as a team. We’re just happy being altogether and hopefully, mas magkaroon pa kami ng connections sa darating na Finals,” ani Valdez.
Kaagad kinontrol ng Cool Smashers ang laro sa first set patungo sa panalo sa Motolite.
Paglalabanan ng mga natalong BanKo Perlas Spikers at Motolite ang third place trophy.
- Latest