Phl women’s team magsasanay sa Japan
MANILA,Philippines — Tumulak na kahapon patungong Tokyo, Japan ang women’s national volleyball team para sumailalim sa matinding pagsasanay para sa 2019 Southeast Asian Games na idaraos sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
Pinangunahan nina Fil-Am Kalei Mau, national team captain Aby Maraño at reigning Premier Volleyball League Reinforced Conference MVP Alyssa Valdez ang delegasyon.
Kasama rin sina two-time Asean Grand Prix Best Blocker Majoy Baron, Ces Molina, Mika Reyes, Jia Morado, Rhea Dimaculangan, Dawn Macandili, Mylene Paat, Maddie Madayag at Kath Arado, at sina coaches Shaq Delos Santos at Brian Esquivel.
Isinama rin ng Larong Volleyball sa Pilipinas Inc. (LVPI) sina Aiza Maizo-Pontillas at Roselyn Doria bilang reserve players.
Nakatakda namang sumunod sina Jovelyn Gonzaga, Eya Laure at assistant coach Kungfu Reyes sa Miyerkules.
Daraan sa 12 araw na training camp ang Pinay spikers kasama ang mga mahuhusay na Japanese coaches.
Maliban sa puspusang training ay sasabak din ang national team sa ilang tuneup games laban sa matitikas na Japanese volleyball clubs at university teams.
Pakay ng mga Pinay spikers na makabalik sa podium matapos mabigong makakuha ng medalya sa mga nakalipas na edisyon.
Huling nakakuha ng medalya ang Pilipinas sa women’s volleyball noong 2005 edisyon na ginanap sa Bacolod City kung saan nakatanso ang koponan na binanderahan nina Mary Jean Balse, Michelle Carolino, Tina Salak at Cherry Rose Macatangay.
Nasungkit naman ng Pilipinas ang gintong medalya noong 1993 edisyon sa Singapore sa pangunguna nina Thelma Barina-Rojas, Lenlen Escollante, Rosemari Prochina, Nene Ybanez-Chavez at Bernadette Burcelis sa ilalim ng paggabay ni Russian head coach Stanislav Lyugaylo.
- Latest