Meralco sumulong
MANILA, Philippines – Nagwala sa shaded lane sina two-time PBA Best Import Allen Durham at center Raymond Almazan ng Meralco na hindi napigilan ng Blackwater.
Humakot sina Durham at Almazan ng pinagsamang 46 points at 23 rebounds para banderahan ang Bolts sa 106-97 paggupo sa Elite sa 2019 PBA Governor’s Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Mabilis na nakabawi ang Meralco sa nauna nilang pagkatalo para iposte ang 4-2 record at patuloy na solohin ang ikaapat na puwesto.
“The goal is to try to take advantage of the format which is top four teams getting twice-to-beat,” sabi ni one-time PBA Grand Slam champion head coach Norman Black.
Hindi naman naide-retso ng Blackwater ang kanilang ratsada sa dalawa at nalaglag sa 2-4 baraha katabla ang NorthPort.
Nanguna sina Durham at Almazan sa pagtatala ng 10-point lead, 50-40, ng Bolts sa huling 3:01 minuto ng second period hanggang makalapit ang Elite sa 86-92 sa 6:08 minuto ng fourth quarter mula sa mga three-point shots nina Mike Digregorio at Rabeh Al-Hussain.
Pinamunuan naman ni guard Baser Amer ang paghuhulog ng Meralco ng 14-6 bomba para sa 14-point advantage, 103-92, sa natitirang 2:02 minuto ng labanan.
Wala nang nagawa ang Blackwater mula rito.
Nagdagdag si Amer ng 17 points habang may 13 markers si Niño Canaleta na iniskor niya sa second period para sa Bolts.
- Latest