Petron vs F2 sa finals
MANILA, Philippines — Maghaharap sa do-or- die Finals ng 2019 Philippine Superliga (PSL) Invitationals ang Petron Blaze Spikers at F2 Logistics Cargo matapos padapain ang kani-kanilang katunggali sa knockout semifinals kahapon sa Malolos Sports and Convention Center sa Bulacan.
Tatlong sets lang ang kinailangan ng Petron Blaze Spikers para umabante para igupo ang Foton Tornadoes, 25-17, 25-14, 25-16 para okupahan ang unang semifinals slot.
Sinibak naman ng defending champions na Cargo Movers ang Cignal HD Spikers, 22-25, 25-22, 25-21, 25-21 sa ikalawang laro.
Umalagwa para sa Blaze Spikers si Sisi Rondina na may 17 puntos, mula sa 15 attacks, 1 block at 1 ace habang tumipak sina team captain Ces Molina at middle blockers Chloe Cortez ng 12 at 10 marka, ayon sa pagkakasunod sa larong tumagal lang ng isang oras at 11 minuto.
Nanguna naman para sa F2 Logistics si Kalei Mau na may 23 puntos habang may 12 at 11 marka sina Majoy Baron at Kim Dy.
“Sobrang sarap sa pakiramdam kasi siyempre na-miss namin ito kasi hindi naman ganun kadali para pumasok sa Finals,” ani Petron coach Shaq delos Santos. “Ga-grab namin ‘to and kailangan mag-prepare kami kasi one day lang ‘yung pagitan.”
“Actually medyo nagstruggle ‘yung team kasi ‘yung familiarity ni Kalei at nung setter medyo hirap e. Maraming free ball na hindi namin nako-convert kasi ‘yung miscommunication and ‘yung familiarity ng setting,” sabi naman ni Cargo Movers head coach Ramil de Jesus.
Unang umariba ang Foton sa third set, 8-7, bago muling rumatsada ang Blaze Spikers para kunin ang 12-8 hanggang sa samantalahin nito ang mga error ng Tornadoes na nagdala sa kanila sa 21-13 na bentahe at ang off the block hit ni Remy Palma ang nagluklok sa kanila sa championship round ng torneo.
Tumapos ng tig-siyam na puntos sina Shaya Adorador at Eya Laure para sa Foton.
Nalaglag naman ang Cignal at Foton sa knockout match para sa bronze medal (FJosue)
- Latest