^

PM Sports

Maaga ang Pasko nina Yulo at Petecio

Chris Co - Pang-masa
Maaga ang Pasko nina Yulo at Petecio
Carlos Edriel Yulo at Nesthy Petecio

MANILA, Philippines — Maaga ang Pasko para kina gymnast Carlos Edriel Yulo at boxer Nesthy Petecio dahil tatanggap ito ng tig-P1 milyon matapos bigyan ng gintong medalya ang Pilipinas sa magkahiwalay na world championship meets.

Base sa RA 10699 Expanded Incentives Act, tumataginting na P500,000 insentibo ang makukuha ni Yulo dahil sa panalo nito sa 49th FIG Artistic Gymnastics World Championships na ginanap sa Germany.

Ngunit dinagdagan pa ito ng P500,000 ng Philippine Sports Commission (PSC) dahil sa kanyang makasaysayang tagumpay bilang kauna-unahang Pinoy at Southeast Asian na nagkampeon sa naturang world meet.

Nakaginto si Yulo nang pagharian nito ang men’s floor exercise tangan ang impresibong 15.300 puntos (6.500 in difficulty at 8.800 execution).

“Caloy have shown so much pride. ‘Yung mag- swirl, ang description hindi basta basta ‘yung inabot niya. Napaka-humble na bata. Sinong maniniwala na isang pinoy magiging world champion sa gymnastic? Here comes Yulo na isang pinoy,” ani PSC chairman William “Butch” Ramirez.

Sa kabilang banda, ibibigay kay Petecio ang P1 milyon base rin sa RA 10699 Expanded Incentives Act kung saan ang isang gold medallist sa world biennial meet ay tumatanggap ng naturang insentibo.

Nagkampeon si Petecio sa prestihiyosong AIBA Women’s World Boxing Championships na ginanap naman sa Ulan-Ude, Russia kung saan nilahukan ito ng mahigit 50 bansa.

Tinalo ni Petecio sa finals si Liumila Vorontsova ng Russia sa pamamagitan ng 3-2 split decision win.

Kasama ring gagawaran ng cash reward sina reigning Southeast Asian Games gold medallist Eumir Felix Marcial at Tokyo Olympics bound Ernest John Obiena.

Nakapilak si Marcial sa 2019 AIBA World Boxing Championships sa Yekaterinburg, Russia para makakuha ng P500,000 na nakasaad din sa RA 10699 Expanded Incentives Act (world-level biennial competitions).

Galing naman sa pondo ng PSC ang P250,000 insentibong ibibigay kay Obiena na magugunitang sumungkit ng ginto sa Italy na siyang naging daan para makapasok sa Tokyo Olympics.

Minamadali na ng PSC ang pagsasaayos sa tseke upang agad itong maipamahagi kina Yulo, Petecio, Marcial at Obiena.

Target ng PSC na maibigay ito ngayong araw sa Meet and Greet program na idaraos sa Century Park Hotel sa Malate, Manila.

Ipipresinta rin sina Yulo, Petecio, Marcial at Obie-na kay Pangulong Rodrigo Duterte sa isang courtesy call sa Malacañang sa Miyekules kung saan posibleng dagdagan pa ng punong ehekutibo ang insentibo ng mga atleta.

vuukle comment

CARLOS EDRIEL YULO

NESTHY PETECIO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with