Gusto nang tapusin ng Lady Falcons
MANILA, Philippines — Susubukan ng Adamson Lady Falcons na maiuwi na ang titulo habang pakay naman ng UST Golden Tigresses na mapahaba pa ang serye sa pagtutuos nila sa Game 2 ng best-of-three Finals series ng Premier Volleyball League (PVL) Season 3 Collegiate Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Magbabanggaan ang dalawang Collegiate team bandang alas-11 ng umaga matapos ang Game 2 ng best-of-three battle for third place sa pagitan ng Ateneo at College of Saint Benilde sa alas-9.
Nanakaw ng Lady Falcons ang Game 1 ng serye sa bisa ng 23-25, 25-17, 25-16, 21-25, 15-11, noong Miyerkules sa pag-init ng dalawang wing spikers na sina Trisha Genesis at Lucille Almonte.
May pinagsamang 36 puntos sina Genesis at Almonte para paralisahin ang opensa ng Golden Tigresses lalo na fifth set kung saan nagdire-diretso ang pag-alagwa nito patungo sa panalo.
Ipaparadang muli ng Lady Falcons sina Genesis at Almonte katuwang sina Caesa Pinar, Lorene Toring, Rizza Cruz, Louie Romero at Cae Lazo para tapusin na ang seryeng ito. (FJ)
- Latest