Mananalo sa Spence-Porter fight sasagupa kay Pacquiao
MANILA, Philippines — Hindi lang korona ang paglalabanan nina International Boxing Federation welterweight king Errol Spence at World Boxing Council welterweight titlist Shawn Porter sa kanilang unification bout ngayong araw sa Staples Center sa Los Angeles, California.
Nakataya rin ang karapatang makaharap si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao na nag-aabang kung sino kina Spence at Porter ang mananalo para sa kanyang susunod na laban sa Enero.
Tumimbang si Spence ng 147 pounds, habang 146.5 pounds si Porter.
Hindi pa man nagkukrus ang landas ng dalawa sa ibabaw ng ring ay mainit na ang bangayan nina Spence at Porter.
Handa si Spence na gawin ang lahat para pigilan si Porter at maagaw ang WBC belt na matagal na nitong inaasam.
“I know he’s a tough fighter, he’s gonna come to fight. But like I said, I’m gonna break his will and I’m gonna be the first person to stop Shawn Porter,” ani Spence.
Binantaan naman ni Porter si Spence na maging preparado sa bagsik ng kanyang kamao.
“He’s gonna come ready for the fight and I’m gonna come ready for the fight. Listen, y’all are in for a treat. Him and I, best of the best, about to get in the ring and do it. He’s got all the tools, I got all the tools. My tools better than his? His tools better than mine? Y’all about to find out. Great fight,” wika ni Porter.
Anuman ang maging resulta ng laban ay parehong magbubulsa ng tig-$2 milyon sina Spence at Porter.
Madaragdagan pa ito base sa hatian sa pay-per-view ng laban.
Ngunit maliit lamang ito kumpara sa kanilang matatanggap kung makakalaban si Pacquiao na tunay na tumatabo sa takilya sa oras na tumutungtong sa ibabaw ng ring.
“He’s a guy who will fight anybody, anywhere, anytime,” sabi ni Spence kay Pacquiao.
- Latest