NLEX Road Warriors lusot sa Fuel Masters
MANILA, Philippines — Ipinaramdam ni star guard Kiefer Ravena ang kanyang pagbabalik sa liga.
Kumolekta si Ravena ng 20 points, 9 rebounds, 7 assists at 3 steals, habang isinalpak ni Jericho Cruz ang krusyal na three-point shot para akayin ang NLEX sa 123-116 panalo kontra sa Phoenix sa 2019 PBA Governor’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang unang laro ni Ravena matapos mapatawan ng 18-month suspension ng FIBA dahil sa nakitang banned substance sa ininom niyang energy drink.
Nagposte naman si balik-import Olu Ashaolu ng 29 points, 11 rebounds at 6 assists para sa unang panalo ng Road Warriors.
“It’s a grind out game for us but we expected something like this,” sabi ni head coach Yeng Guiao, minandohan ang Gilas Pilipinas sa nakaraang 2019 FIBA World Cup sa China.
Matapos magtabla sa first half, 56-56, inangkin ng NLEX ang 11-point lead, 97-86, mula sa triple ni Philip Paniamogan sa pagbungad ng fourth period.
Nagsalpak naman ng magkasunod na tres si Alex Mallari at kumonekta ng isang free throw si import Eugene Phelps para ilapit ang Phoenix sa 113-116 sa huling 1:24 minuto ng laro.
Matapos ang turnover ng Fuel Masters ay ipinasok ni Cruz ang kanyang triple mula sa pasa ni Ravena sa huling 24.9 segundo na sumelyo sa panalo ng Road Warriors.
Tumapos si Phelps na may 38 points sa panig ng Phoenix.
- Latest