Pirates tinuhog ang Blazers
MANILA, Philippines — Nakaeskapo ang Lyceum Pirates kontra sa St. Benilde Blazers, 85-83, habang bumawi naman ang Letran laban sa San Sebastian Stags, 99-82, sa Season 95 NCAA men’s basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nagtala si Jaycee Marcelino ng 22 puntos, 7 rebounds, 2 assists, 3 steals at 1 block, habang si Mike Nzeusseu ay tumipak ng 14 markers at 10 rebounds upang patatagin ng Pirates ang hawak sa ikalawang puwesto mula sa kanilang 9-3 kartada sa likuran ng nangungunang San Beda Red Lions (12-0).
Nagdagdag ng 11 markers at 7 rebounds si Niño Ibañez para patunayan ang kanilang dominasyon sa Blazers matapos ang 74-71 panalo sa first round.
Ngunit hindi kagaya sa unang pagtatagpo, umabot sa walong lead changes at limang deadlocks ang laro bago tuluyang nasungkit ng Lyceum ni coach Topex Robinson ang panalo para ilaglag ang St. Benilde sa 6-5 marka.
“We struggled a bit in the first half, but we were able to pick it up. We just focused on making stops,” sabi ni Robinson.
Sa iba pang laro, tinambakan naman ng Letran ang San Sebastian para makaganti sa kanilang naunang 101-102 overtime loss sa first round.
Humataw si Bonbon Batiller ng 15 points, 4 rebouds at 3 assists para itaas ang baraha ng Knights ni coach Bonnie Tan sa 8-4 sa solo third spot at ibaba ang Stags sa 7-4.
Lumapit naman ang Mapua Cardinals sa top four matapos muling padapain ang Emilio Aguinaldo College Generals, 79-76, upang umusad sa 5-6 marka.
Sa juniors’ division, inilampaso ng CSB-LSGH Greenies ang Lyceum Junior Pirates, 95-87, para agawin ang ikalawang puwesto sa bitbit nilang 7-4 kartada.
- Latest