Rain or Shine pinatumba ang Phoenix sa tune-up
MANILA, Philippines — Ipinalasap ng Rain or Shine sa Phoenix ang ikatlong sunod na pagkatalo sa tune-up games bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa 2019 PBA Governors’ Cup.
Namuno para sa 103-90 panalo ng Elasto Painters ang balik-import na si Joel Wright sa naitala niyang 33 points sa kanyang unang tune-up match kasama ang bagong koponan.
Unang nagsilbing import para sa Star Hotshots si Wright noong 2016 PBA Governor’s Cup.
Sumuporta naman sa kanya si Ping Exciminiano na kumubra ng 16 markers sa kanya ring unang laro bilang pinakabagong Elasto Painter.
Nakuha ng E-Painters si Exciminiano at ang first pick sa 2019 PBA Rookie Draft mula sa Alaska kapalit si Maverick Ahanmisi.
Si top deputy Chris Gavina ang gumabay sa Rain or Shine dahil nasa China pa si chief tactician Caloy Garcia na nagsisilbi bilang top assistant naman ni Gilas Pilipinas coach Yeng Guiao sa 2019 FIBA World Cup.
Sa panig naman ng Fuel Masters, ito ang kanilang ikatlong sunod na kabiguan matapos lumuhod sa Meralco Bolts, 91-114 at sa NLEX Road Warriors, 77-114, noong nakaraang linggo.
Tumabo ng 26 points si resident import Eugene Phelps sa pagkatalo ng Phoenix.
Magbubukas ang season-ending conference sa Setyembre 20.
- Latest