Pampanga sinapawan ang Davao
ANGELES CITY, Philippines — Pinatumba ng host team Pampanga Giant Lanterns ang bisitang reigning Southern Division champion Davao Occidental Tigers, 65-62, sa MPBL Lakan Cup kamakalawa ng gabi dito sa Angeles University Foundation Arena.
Nagposte si Michael Juico ng 14 points at 11 rebounds para sa pang-walong panalo ng Giant Lanterns sa 12 laro at patibayin ang paghawak sa fifth spot sa Northern Division ng ligang itinayo ni Sen. Manny Pacquiao kasama si PBA legend Kenneth Duremdes bilang Commissioner.
Ito ang ikalawang kabiguan ng Tigers sa 12 asignatura para makasosyo ang General Santos City Warriors sa top spot sa Southern Division.
Samantala, iginiya naman ng nagbabalik na si coach Gerry Esplana ang Valenzuela Classic sa 73-67 paggupo laban sa Imus Bandera.
Tinapos ng Classic ang kanilang eight-game losing slump para sa kanilang pang-limang tagumpay sa 13 laban.
Binigo naman ng Navotas Clutch ang SOCCSKSARGEN Marlins, 88-82.
- Latest