BaliPure sinunog ang Chef’s Classic
MANILA, Philippines — Nagtala ng double-double finish si Menchie Tubiera para akayin ang BaliPure sa 25-22, 20-25, 27-25, 25-23 panalo kontra sa Chef’s Classic, sa PVL Season 3 Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Tumapos ang dating Arellano outside hitter ng 18 points sa likod ng 16 attacks at dalawang blocks at 19 digs, habang tumipa si Grace Bombita ng 13 markers at 16 digs.
Umangat sa 2-3 baraha ang Water Defenders at nanatili sa pang-pitong puwesto sa ilalim ng PetroGazz Angels (2-2).
“Siyempre masaya ako kasi nanalo kami. Nandoon na ulit kami sa right track, but siyempre kung satisfied, hindi pa ako satisfied doon sa iginalaw namin kasi malayung-malayo ito sa ineensayo namin,” wika ni BaliPure coach Rommel Abella.
Tabla sa 1-1 ang dalawa pagpapasok ng third set pero nagawang makauna ng Lady Red Spikers nang iposte ang 24-23 bentahe bago nakahabol ang Water Defenders para nakawin ang set mula sa back-to-back attacks ni Tubiera.
Gitgitan din sa fourth set kung saan muling nanguna ang Chefs’ Classic sa 16-14 na agad namang inagaw ng BaliPure, 22-20, patungo sa panalo.
Pumalo ng 24 points si Nieza Viray para sa Lady Red Spikers.
Samantala, nadagit ng Ateneo Lady Eagles ang solong liderato nang lampusuhin ang San Beda Lady Red Spikers, 25-15, 24-26, 25-5, 25-20, habang tinalo ng Far Eastern University Lady Tamaraws ang Arellano Lady Chiefs, 25-13, 22-25, 25-22, 25-10 at winalis ng St. Benilde Lady Blazers ang Lyceum Lady Pirates, 25-19, 25-12, 25-17.
- Latest