Motolite pinatumba ang Chef’s Classic
MANILA, Philippines — Mabilis na tinapos ng Motolite ang laro at winalis ang baguhang Chef’s Classics Lady Red Spikers, 25-22, 25-19, 25-19, para kunin ang unang panalo sa Premier Volleyball League (PVL) Season 3 Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nabawi ng Motolite ang three-set setback noong Miyerkules laban sa Creamline para iposte ang 1-1 baraha.
Umalagwa para sa Motolite si team captain Myla Pablo ng pumalo ng 20 points sa likod ng 17 attacks at tatlong blocks at may ambag naman na siyam na marka si Tots Carlos.
May tig-apat na puntos naman na sahog sina Isa Molde, Maristela Layug at Bernadette Flora sa kanilang panalo.
Nagawa man nilang masungkit ang unang panalo sa torneo ay hindi pa rin masaya si Motolite head coach Godfrey Okumu sa ipinakitang laro ng kanyang tropa.
“Today’s game was not good, we won yes but, we are still slow in other things like the speed of the ball, our movement, we still working on that. We’ve been training hard and then I think the build of the player still so,” sabi ni Okumu sa post-game interview.
Hindi naman naging madali ang panalong ito dahil lumaban nang husto ang baguhang Chef’s Classics matapos iposte ang 3-0 atake pero kinapos sa third set para ipuwersa ang isa pang set.
Tumapos na may 10 points si Nieza Viray para sa Lady Red Spikers, nalasap ang unang pagkatalo sa torneo.
Sa Collegiate Conference, tinalo ng Adamson Lady Falcons ang San Beda University Red Spikers, 25-18, 25-22, 25-16.
Nanguna para sa Lady Falcons si Trisha Genesis na pumalo ng 16 points sa likod ng 13 attacks at 3 aces at nagdagdag tig-11 markers sina Ceasa Pinar at Lucille Almonte.
Pinadapa naman ng St. Benilde Lady Blazers ang FEU Lady Tamaraws, 28-26, 25-22, 25-17, sa likod ng hinataw na 13 at 10 points nina Klarisa Abriam at Chelsea Umali, ayon sa pagkakasunod.
- Latest