Red Lions pinapak ang Perpetual Altas
MANILA, Philippines — Walang awang nilapa ng San Beda Red Lions ang Perpetual Help Altas, 102-56, habang pinutol ng Lyceum Pirates ang five-game winning streak ng St. Benilde Blazers, 74-71, kahapon sa Season 95 NCAA men’s basketball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Limang players ng Red Lions ang tumapos na may double-digits kabilang sina AC Soberano at Cameroonian import Donald Tankoua na umiskor ng tig-15 points para sa ikaanim na sunod na panalo at manatili sa solo top spot sa 6-0 kartada.
“Credit to my boys for the win. They wanted to prove something. AC made the most of his threes in the fourth. Hopefully, tuluy-tuloy na rin ‘yung kumpiyansa niya,” sabi ni SBU coach Boyet Fernandez.
Sa unang yugto pa lamang ay iniwanan na ng San Beda ang Perpetual, 30-17, na lumobo sa 20 puntos, 47-27, sa first half.
Umabot sa 52 puntos, 102-50, ang bentahe ng Red Lions sa huling tatlong minuto ng laro.
Limang season records ang naitala sa malaking panalo ng San Beda kabilang ang season-high in points, season-high fieldgoals attempts, season-high fieldgoals made at season-high 3-points made at biggest winning margin sa taong ito.
Hindi rin nagpahuli ang 94th season runner-up na Lyceum upang magbigay senyales sa seryosong asam sa titulo sa taong ito.
Umangat ang Pirates sa solo second spot sa 6-1 kartada, habang ang Blazers ay nalaglag sa 5-1 marka.
Tumipa ng 23 point si Jaycee Marcelino at humataw si Cameroonian Mike Nzeusseu ng 17 markers at 16 boards.
- Latest