San Beda giniba ang Letran para sa liderato
MANILA, Philippines — Patuloy ang pagdomina ng ‘three-peat’ champions San Beda Red Lions laban sa Letran Knights matapos kunin ang 70-66 panalo para masungkit ang ika-limang sunod ratsada sa Season 95 NCAA men’s basketball tournament kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Mula umpisa hanggang matapos ay kontrolado ng tropa ni head coach Boyet Fernandez ang laro sa pangunguna nina Fil-Canadian James Kwekuteye, Evan Nelle at Cameronian Donald Tankoua para muling umangat sa solong liderato sa malinis na 5-0 kartada.
Umabot pa sa 15 puntos ang bentahe ng Red Lions mula sa steady shooting nina Nelle at Kwekuteye bago ito naibaba ng Knights sa walong puntos, 62-54, sa huling anim na minuto sa fourth period.
Nagtala si Nelle ng 18 points, 7 rebounds at 3 assists, habang ang 6-foot-5 na si Tankoua ay tumipak ng 15 markers at 4 boards bago nakuha ang fifth foul sa huling minuto ng laro.
Nagdagdag ng tig-11 points sina Kwekuteye at Calvin Oftana para sa patuloy na pagwawagi ng San Beda sa Letran sa huling apat na taon.
Huling nanalo ang Knights laban sa Red Lions noon pang Game Three ng kanilang best-of-three title series noong 2015 kung saan nakopo nila ang iika-17 titulo sa panahon ni dating coach Aldin Ayo, ngunit mula noon ay hindi na nananalo ang Letran sa San Beda
Tumipak si Jerrick Balanza ng 20 points, 5 assists at 3 rebounds para sa Knights na bumaba sa solo fourth spot sa bitbit na 5-2 record sa likuran ng San Beda, St. Benilde at Lyceum.
Sa juniors’ division, naging doble ang selebrasyon sa Mendiola matapos gapiin ng SBU Red Cubs ang Letran Squires, 83-79, para manatili sa solong liderato sa hawak na 5-1 baraha.
Tumipa si Justine Sanchez ng 27 points at may 20 markers ni Yukien Andrada.
- Latest