Ang paghahanda ng Phl volleyball teams
MANILA, Philippines — Tuluy-tuloy na ang pagsasanay ng men’s at women’s volleyball national team bilang paghahanda sa 30th Southeast Asian Games sa Nobyembre.
Ayon sa Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. (LVPI), nakatakdang lumipad ang women’s team patungong Bangkok, Thailand sa Setyembre 7 para sa kanilang sampung araw na training camp.
At matapos ito ay bibiyahe sila ng Korat, Thailand para sumabak sa ASEAN Grand Prix kaharap ang Thailand, Indonesia at Vietnam.
Magsisilbing training na rin ang nasabing torneo para sa mga Pinay volleybelles at mula rito ay nakatakda silang umuwi sa bansa sa Setyembre 27 para makapagpahinga.
Lilipad naman patungong Tokyo, Japan ang tropa sa Oktubre para sa kanilang 15-day training na huling yugto ng kanilang overseas training.
Samantala, sa Singapore dadayo ang men’s national team para sumailalim sa joint training at tune-games kasama ang Singapore at Myanmmar.
Matapos sa Singapore ay diretso patungong Japan ang men’s team para sumalang sa sarili nilang training camp doon.
Wala pang final roster ang national women’s at men’s national team para sa 2019 SEA Games, nakatakda sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11 pero asahan nang makikita sa koponan ang mga katulad nina Aby Maraño, Alyssa Valdez at Mika Reyes sa women’s squad at sina Marck Espejo, Bryan Bagunas at Rex Intal sa men’s team.
- Latest