Simmons 5 years pa sa 76ers
PHILADELPHIA — Nagkasundo ang 76ers at si star guard Ben Simmons sa isang $170 million, five-year contract extension.
Ang nasabing max deal ang pinakamalaking inilatag ng Philadelphia na huling nakakopo ng NBA championship noong 1983.
Tatanggap ang 22-anyos na si Simmons ng $8.1 milyon ngayong season, ang huling taon niya sa naunang nilagdaang four-year rookie deal.
Lolobo ang kanyang suweldo sa $29.3 milyon sa susunod na taon at lalaki sa $39 milyon sa 2024-25.
Sina All-Star Joel Embiid at Al Horford ay may kontrata hanggang 2023 habang si Tobias Harris ay hanggang 2024 at si Simmons ay hanggang 2025 na magpapanatili sa malakas na line-up ng 76ers.
Pumirma si Horford ng $109 million, four-year deal at pumayag si Embiid sa $147 million, five-year deal noong nakaraang season.
Si Simmons ang No. 1 overall draft pick noong 2016 at ginawa ang kanyang NBA debut noong 2017-18 season kung saan hinirang siya na Rookie of the Year.
Sa kanyang pagiging All-Star sa nakaraang season ay nagtala siya ng mga averages na 16.4 points, 8.5 rebounds at 7.9 assists.
“I think I want to work on everything and continue to let my game grow,” sabi ni Simmons sa pagtatapos ng nakalipas na season. “I think the one thing I got a lot better at this season was leadership.”
Nasibak ang Sixers ng Toronto Raptors sa nakaraang Eastern Conference semifinals series sa ikala-wang sunod na season. Naglista ang Philadelphia ng 101-58 record sa regular-season sa paglalaro ni Simmons.
Nagtala siya ng 22 triple-doubles sa huling dalawang seasons para tumabla kay Nikola Jokic ng Denver sa ilalim nina Russell Westbrook (59) ng Houston Rockets at Los Angeles Lakers superstar LeBron James (26).
- Latest