2 pilak, 2 tanso para sa jr. judo team
MANILA, Philippines — Kumana ang national junior judo team ng dalawang pilak at dalawang tansong medalya sa 2019 Asian Juniors and Cadets Judo Cup na ginanap sa Tin Shui Sports Centre sa Hong Kong.
Bumandera sa Pilipinas si University of Santo Tomas standout Felice Ann Barbuco na kumuha ng pilak sa junior’s division at tanso sa cadets’ category.
Natalo si Barbuco kay Tseng Chih-Jou ng Chinese-Taipei sa finals para magkasya sa pilak na medalya sa juniors half-heavyweight division (-78kgs).
Nakahirit naman si Barbuco ng tanso matapos gapiin si Ashley Lim ng Singapore sa battle-for-bronze match ng cadets heavyweight division (+70kgs) ng torneong nilahukan ng mahigit 15 bansa.
Nagdagdag si John Carlos Aniciete ng isa pang pilak na medalya kung saan natalo siya sa finals laban kay Han Changsu ng South Korea sa cadets middleweight class (-90kgs) habang umani si Chino Sy ng tanso sa juniors half-middleweight category (-81kgs) matapos gapiin si Kim Do ng South Korea sa battle-for-third bout.
- Latest