Red Lions sasagupa sa Chiefs sa NCAA opener
MANILA, Philippines — Sisimulan ng San Beda Red Lions ang asam na ‘four-peat’ sa pagharap kontra sa host Arellano Chiefs, habang magtatagpo ang Lyceum Pirates at Letran Knights sa pagbubukas ng Season 95 NCAA men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Haharapin ng ‘three-peat’ champions na Red Lions ang Chiefs ngayong alas-4 ng hapon matapos ang pagtatagpo ng Season 94 runner-up na Pirates at Knights sa alas-2.
Inaasahan din ang mainit na rendisyon ni Filipino rock icon Bamboo at ang NCAA battle of the bands winner na Cherry Band ng Mapua sa opening ceremonies sa alas-12 ng tanghali.
Kahit wala na ang mga top scorers na sina Robert Bolick at Javee Mocon ay nananatili pa ring ‘team-to-beat’ ang Red Lions.
Ito ay dahil maglalaro pa rin para sa San Beda ang dalawang Cameroonian imports na sina 6-foot-5 Donald Tankoua at 6’3 Arnaud Noah.
Bukod sa dalawa, tiyak din ang suporta mula sa Fil-Canadian na si James Kwekuteye kasama sina Clint Doliguez, CJ Oftana, Prince Estrata, Frans Jonathan Abuda, Damie Cuntapay at Pedro Alfaro III.
“The team to beat is San Beda. It’s still San Beda because they are the defending champions,” sabi ni Perpetual Help head coach Frankie Lim na sinang-ayunan din nina coaches Cholo Martin ng Arellano, Oliver Bunyi ng Emilio Aguinaldo College, Louie Gonzalez ng College of St. Benilde at Randy Alcantara ng Mapua.
Hindi naman malayo ang Pirates dahil malalim pa rin ang kanilang bench kahit wala na sina dating MVP CJ Perez at MJ Ayaay, ayon naman sa bagong head coach ng Letran na si Bonnie Tan.
Nananatili pa rin sa Lyceum ang Marcelino twins na sina Jaycee at Jayvee.
- Latest