1-0 lead pag-aagawan ng Blue Eagles at Scorpions
Sa game one ng PBA D-League title series
CEBU, Philippines — ‘David at Goliath’ ang magiging tema ng laban sa pagitan ng ‘underdog’ na Centro Escolar University at paboritong Cignal-Ateneo sa pagbubukas ng 2019 PBA D-League best-of-five championship series sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.
Sisiklab ang Game One ngayong alas-4 ng hapon kung saan susubukan ng Scorpions na maipagpatuloy ang kanilang ‘Cinderella run’ kontra sa Blue Eagles na numero unong collegiate team ngayon sa bansa.
Simula sa quarterfinals ay walong manlalaro lamang ang ipinarada ng CEU dahil sa pagkakasangkot ng walong ibang manlalaro nito sa ‘game-fixing’.
Subalit hindi ito naging hadlang nang daigin ng Scorpions ang kumpletong St. Clare College-Virtual Reality Saints sa kanilang best-of-three semifinals series na tinuldukan ng 89-72 panalo sa Game Three papasok sa Finals.
Kung si head coach Derrick Pumaren ang tatanungin ay kampeon na ang kanyang pilay na koponan dahil walang nag-akala na makakarating sila sa championship ng 20-team PBA D-League tourney.
“For me, this team is already a champion. With all the adversities na nangyari, we still made it,” ani Pumaren.
Subalit hindi aniya sapat iyon upang huminto na ang Scorpions na misyong mapatunayan na may ibubuga rin ang CEU kahit hindi ito UAAP o NCAA team.
“We know we’re gonna be the underdog against Ateneo. We’re facing the No. 1 college team in the land,” dagdag pa ni Pumaren.
Babandera para sa eight-man CEU si Senegalese big man Maodo Malick Diouf kasama ang mga locals na sina Rich Guinitaran, Dave Bernabe, Kurt Sunga at France Diaz.
Bagama’t paborito namang sasalang sa duwelo bilang back-to-back champion ng UAAP at dahil sa mahabang pahinga matapos walisin ang Valencia City Bukidnon-SSCR sa semis ay hindi magpapakumpyansa ang Ateneo ayon kay deputy Sandy Arespacochaga.
“They’re in the Finals for a reason. They’ve been playing undermanned and that’s what makes them dangerous,” ani Arespacochaga. “We’ll be ready. It will be tough for us. That’s for sure.”
Sasandal ang Blue Eagles kay Ivorian big man Ange Kouame.
- Latest