Davao winalis ang Bacoor papasok sa Finals
BATANGAS CITY, Philippines — Tuluyan nang dinakma ng Davao Occidental ang tiket sa championship round ng MPBL Datu Cup South Division matapos sibakin ang Bacoor, 87-67, dito sa Batangas City Coliseum kamakalawa ng gabi.
Nagsalpak si Joseph Terso ng apat na three-poin shots para tumapos na may 14 points, habang nagtala si Mark Yee ng double-double mula sa kanyang 12 markers at 11 rebounds bukod sa 5 blocks para sa Tigers.
Umiskor naman si guard Eman Calo ng 14 markers kasunod ang 13 points ni Leo Najorda para sa pagpasok ng Davao Occidental sa Finals ng South Division.
Tinapos ng Tigers ang kanilang best-of-three semifinals series ng Strikers sa 2-0.
Samantala, pinatumba naman ng inaugural staging champion Batangas City ang Zamboanga, 67-57, para itakda ang kanilang ‘rubber match’.
Ang mananalo sa serye ng Batangas at Zamboanga ang sasagupa sa Davao Occidental sa title series ng South Division.
Naglista si guard Jeff Viernes ng 16 points, 7 rebounds at 8 assists at humakot si center Jhaymo Eguilos ng 10 points at 10 boards para sa panalo ng Athletics.
- Latest