Lady Spikers, Tigresses maghihiwalay ng landas
MANILA, Philippines – Babasagin ng three-straight champion De La Salle at University of Santo Tomas ang four-way tie sa ikalawang puwesto sa magkahiwalay na laban sa Season 81 UAAP women’s volleyball tournament sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.
Haharapin ng Lady Spikers ang National University Lady Bulldogs ngayong alas-4 ng hapon matapos ang pagtatagpo ng Tigresses at Adamson Lady Falcons sa alas-2.
Kapwa nagmula ang Lady Spikers at Tigresses sa masaklap na pagkatalo na humantong sa four-way tie sa second spot kasama ang UP Lady Maroons at FEU Lady Tamaraws sa parehong 5-3 kartada sa likuran ng solo leader na Ateneo Lady Eagles (7-1).
Kaya kapwa hangad ng Lady Spikers at Tigresses na bumalik agad sa win column.
Nalasap ng Lady Spikers ang ikalawang pagkatalo sa mga kamay ng UP Lady Maroons, 16-25, 24-26-25-19, noong Linggo.
Tinalo rin ng UP ang La Salle, 25-21, 20-25, 21-25, 25-20, 12-15, sa first round ng elimination noong Marso 2.
Sinisisi ni coach Ramil de Jesus ang kanilang 17 service errors na siyang dahilan ng kanilang three-set loss sa Lady Maroons, lima nito ay mula kay Lourdes Clemente at tig-tatlo kina Aduke Ogunsanya, Marionne Alba at Jolina De La Cruz, habang tig-isa kina Tin Tiamzon, skipper Des Cheng at May Luna.
“Sabi ko sa kanila, hindi kalaban ninyo ang magpapanalo sa inyo, kayo ang magpapanalo sa sarili ninyo,” wika ni De Jesus.
Makakaharap ng Lady Spikers ang Lady Bulldogs na nagmula sa masakit na 16-25, 18-25, 26-24, 16-25 kabiguan sa UE Lady Warriors noong Marso 20.
- Latest