Lady Eagles sinolo ang liderato
MANILA, Philippines — Hindi na pinatagal ng Ateneo Lady Eagles ang laro matapos pataubin ang University of the Philippines Lady Maroons, 25-21, 25-15, 28-26, at makuha ang solong liderato sa Season 81 UAAP women’s volleyball tournament sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.
Bumida sina Maddie Madayag, Kat Tolentino, Bea De Leon, Ponggay Gaston at setter Deanna Wong para masungkit ng Ateneo ang ikaapat na sunod na panalo.
Nagtala si Madayag ng 14 points kabilang ang walong atake at anim na blocks, habang si Tolentino ay nagdagdag ng 12 markers mula sa 10 attacks at 14 digs para sa Lady Eagles.
Nagpakatatag naman ang Far Eastern University Lady Tamaraws sa fifth set upang malusutan ang minamalas na Adamson Lady Falcons, 25-18, 17-25, 25-14, 22-25, 15-8, at masungkit ang ikatlong sunod na panalo.
Nagtala si Ria Duremdes ng 9 excellent receptions at 44 excellent digs, habang si Heather Guino-o ay umani ng 20 points kabilang ang 17 atake at tatlong aces bukod sa 13 digs at 10 excellent sets upang makopo ng Lady Tamaraws ang ikaapat na panalo sa anim na laro.
Nagdagdag din ng 17 points si Lycha Ebon at 14 naman mula kay Celine Domingo para muling umangat ang FEU sa three-way tie sa ikatlong puwesto kasosyo ang UST Tigresses at DLSU Lady Spikers.
Sa men’s division, tinalo ng FEU Tamaraws ang Adamson Soaring Falcons, 25-14, 25-23, 25-23, at giniba ng Ateneo Blue Eagles ang UP Fighting Maroons, 25-18, 23-25, 25-22, 25-13.
- Latest