Mamili lang ng priority sports -- Ramirez
Iloilo City, Philippines — Hinikayat ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman William Ramirez ang iba’t ibang local go-vernment units (LGUs) na bigyang priority ang mga sports kung saan sila malalakas para sa kanilang sports development program.
Sinabi ni Ramirez na kahit sa limitadong budget lang ang ibinibigay para sa kanilang sports program magiging sapat ito kung mamimili lamang sila ng events na malalakas ang kanilang mga atleta.
“I gave Iloilo as an example. They are good in football, volleyball and athletics, so they can spend their budget for these sports, which I think would be enough. And when the Batang Pinoy competition or Palarong Pambansa comes, nag-e-excell pa ang kanilang mga atleta,” pahayag ni Ramirez sa press conference kahapon sa Dep-Ed Diamond Jubilee Hall.
Binuksan ni Ramirez kasama sina Iloilo City Mayor Joe Espinosa III at Governor Arthur Defensor Sr. ang 2019 Phi-lippine National Youth Games-Batang Pinoy Visayas Qualifying Leg kahapon sa Iloilo Sports Complex dito.
Dumalo rin sa opening rites ang mga sports officials kabilang na sina PSC commissioners Ramon Fernandez, Charles Maxie, Celia Kiram at Arnold Agustin, Ma. Gemma Ledesma ng Department of Education Region VI at Director Ariel Iglesia ng Department of Interior and Local Government (DILG) Region VI.
Sinabi pa ni Ramirez na lahat ng sports equipments na gagamitin sa isang linggong kumpetisyon na nagkakahalaga ng kabuuang P15 milyones ay ibibigay na nila sa hosts Iloilo City at Iloilo Province.
“This is our way of encouraging LGUs to host Batang Pinoy competitions in the future,” dagdag ni Ramirez.
Magtatagisan ang mahigit 3,000 atleta mula sa 67 LGUs sa Visayas sa 20 sports disciplines kabilang na ang centerpiece athle-tics, medal-rich swimming, basketball, chess at table tennis sa Iloilo Sports Complex.
Ang ibang sports tulad ng archery at futsal ay gaganapin sa West Visayas State University field habang ang badminton ay sa Jaro Gym at baseball sa La Paz football field. Ang lawn tennis ay gagawin sa La Paz Tennis Court at ang boxing sa Dungon A. Jaro covered court at dancesport sa Holy Rosary Academy.
- Latest