Broner kumpiyansang maaagaw ang WBA belt
LAS VEGAS -- Sinabi ni Filipino chief trainer Buboy Fernandez sa Filipino press na hindi tatagal si Adrien Broner sa four rounds.
Binanggit naman ni Hall of Fame trainer Freddie Roach ang kanyang paboritong numero na 9.
Sinabi ni Broner, nagwagi ng mga world titles sa 130, 135, 140 at 147 pounds, na ang panalo niya laban kay Manny Pacquiao ang magpapakilala sa kanya bilang “a legend overnight.”
Nangako si Broner na gugulatin niya ang buong mundo at pauuwiin si Pacquiao sa Pilipinas na hindi na suot ang WBA welterweight belt.
“Of course, I’m going to send him home beltless. I’m coming to win and that’s how I’m going to send him home beltless,” kumpiyansang wika ng 29-anyos na tubong Cincinnati, Ohio.
Naniniwala si Broner na natatakot sa kanya si Pacquiao.
“He don’t wanna see me, for real. He don’t wanna see me. See, what he do is try to smile, but he’s nervous,” ani Broner. “He tried to smile his way out of it. He nervous, though. He be trembling.”
Posibleng ibang tao ang tinutukoy ng American fighter.
Inangasan ni Broner ang mediamen noong Miyerkules dahil sa maling pagpapakilala sa kanya sa social media.
Sinabi niyang wala siyang pakialam kung anuman ang nakamit ni Pacquiao.
Sa press conference kamakalawa ay may sinabing racial comments si Broner sa mga miyembro ng Team Pacquiao.
- Latest