Pacquiao may patutunayan
LAS VEGAS – Ipinagdiwang ni Manny Pacquiao ang kanyang ika-40 kaarawan noong Disyembre 17.
Sa kanyang edad ay marami ang nagsasabing dapat nang magretiro ang Filipino world eight-division champion.
Ngunit may gustong patunayan si Pacquiao sa kanyang pagsagupa kay American challenger Adrien Broner ngayon dito sa MGM Grand.
“I want to prove that at age forty I can still give my best,” wika ni Pacquiao, ang nag-iisang boksingero na nagkampeon sa walong magkakaibang weight divisions, matapos ang kanilang official weigh-in kahapon.
Ilang ulit sinabi ni Pacquiao na ang pagdedepensa sa kanyang suot na WBA welterweight title laban sa 29-anyos na si Broner ay isang malaking hamon kagaya ng mga nauna niyang mga mabibigat na laban.
Ang mga pagkatalo kina Timothy Bradley, Jr., Juan Manuel Marquez, Floyd Mayweather, Jr. at Jeff Horn ang nagpaisip sa mga fight fans na mahina na si Pacquiao at kailangan nang magretiro.
Ang ilan sa kanyang mga kritiko ay gusto na siyang mag-focus sa kanyang trabaho sa Senado.
“Boxing is my passion. Being a senator is my mission,” sagot ni Pacquiao. “That’s why this fight is really important to me. This is my first fight at age 40. That’s why it’s very challenging.”
Ito ang unang pagkakataon na muling lalaban si Pacquiao sa United States matapos ang halos dalawang taon makaraang talunin si Jessie Vargas.
Ito ang ika-28 laban ni Pacquiao sa US at pang-70 bilang professional fighter (60-7-2).
Target din ni ‘Pacman’ ang kanyang ika-40 knockout win.
Umiskor si Pacquiao ng seventh-round KO victory laban kay Lucas Matthysse ng Argentina sa Kuala Lumpur noong Hulyo, isang taon matapos siyang agawan ng WBO belt ni Horn.
Ang bagong partnership kay promoter Al Haymon, ang founder ng Premier Boxing Champion (PBC) at long-time adviser ni Mayweather, ang nagbalik kay Pacquiao sa US sa kabila ng kanyang tax problems.
Si Pacquiao ay may guaranteed purse na $10 milyon (halos P520 milyon), habang tatanggap naman si Broner ng $2.5 milyon na posibleng nagastos na niya ang kalahati dahil sa kanyang mga alahas.
Ipinagyabang ni Broner ang mga diamond-studded Rolex watches sa magkabila niyang kamay.
- Latest