Jazz pinabagsak ang L.A. Lakers
SALT LAKE CITY— Naglaro ang Utah Jazz na wala sina point guards Ricky Rubio, Dante Exum at Raul Neto dahil sa injuries.
Ngunit hindi ito naging mahalaga.
Humataw si guard Donovan Mitchell ng 33 points at career-high 9 assists para banderahan ang Jazz sa 113-95 pagpapabagsak sa Los Angeles Lakers.
Ang second-year guard na si Mitchell ang bumida para sa Utah mula sa kanyang mga game-changing plays.
“My biggest thing is just trying to make the right reads,” sabi ni Mitchell. “That’s been my thing since I first got here. Just continuing to play under control and just find guys.”
Nagsalpak ang Jazz ng kabuuang 15 three-pointers sa kanilang ikaapat na sunod na panalo sa huling limang laro.
Humakot si center Rudy Gobert ng 12 points at season-high 18 rebounds, habang nagtala si Joe Ingles ng 14 points at career-high 12 boards.
Si Derrick Favors ay tumapos na may 15 points at season-high 13 rebounds.
Pinamunuan naman ni Michael Beasley ang Lakers mula sa kanyang 17 points kasunod ang 15 at 11 markers nina Brandon Ingram at Kyle Kuzma, ayon sa pagkakasunod.
Ito ang ikaanim na kabiguan ng Los Angeles sa siyam nilang laro na wala si LeBron James (groin injury) sa line-up.
Sa Oakland, nagsalpak si Klay Thompson ng pitong three-pointers at tumapos na may 30 points para banderahan ang Golden State Warriors sa 146-109 paggupo sa Chicago Bulls.
Nauna nang nagtala si Thompson ng NBA mark sa unang pagkikita ng dalawang koponan noong Oktubre 29 nang magsalpak ng 14 triples na bahagi ng kanyang 52-point performance.
Nagdagdag si Kevin Durant ng 22 markers para sa Warriors.
Sa Portland, kumamada si CJ McCollum ng 30 points at may 20 markers si Damian Lillard bago ipinahinga sa fourth quarter at tinalo ng Portland Trail Blazers ang Charlotte Hornets, 127-96.
Ito ang ikaapat na sunod na ratsada ng Portland.
- Latest