Parks ibibigay sa Bolts sa isang three-team trade
MANILA, Philippines – Sadyang abala ang Blackwater sa pagpapalakas ng kanilang koponan para sa susunod na PBA season.
Kahapon ay nakipagkasundo ang Elite sa Meralco Bolts at TNT Katropang Texters para kay No. 2 overall pick Bobby Ray Parks, Jr.
Dadalhin ng Blackwater ang anak ni seven-time PBA Best Import Bobby Parks sa Meralco sa isang three-team trade.
Si point guard Baser Amer ay ibibigay ng Bolts sa Tropang Texters, samantalang sina Jericho Cruz at guard Brian Heruela ay mapupunta sa Elite.
Hindi dumalo ang 6-foot-3 na si Parks sa nakaraang 2018 PBA Rookie Draft sa Robinson’s Place sa Ermita, Manila dahil sa paglalaro para sa Alab Pilipinas laban sa CLS Knights sa Indonesia sa Asean Basketball League noong Linggo.
Kung aaprubahan ni PBA Commissioner Willie Marcial ang naturang three-team trade ay maglalaro si Parks sa ilalim ng kanyang ninong na si coach Norman Black sa Meralco.
Si Heruela, kasama si David Semerad at isang future draft pick ang ibinigay ng San Miguel sa TNT Katropa bilang kapalit ni Terrence Romeo.
Nauna nang dinala ng Blackwater si JP Erram sa NLEX bilang kapalit nina rookies Paul Desiderio at Abu Tratter.
- Latest