Ayaw nang pakawalan ng Petron
MANILA, Philippines – Target ng Petron na masungkit ang kampeonato sa muling pagharap nito sa F2 Logistics sa Game Two ng Philippine Superliga All-Filipino Conference best-of-three finals series ngayong gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Magtutuos ang Blaze Spikers at Cargo Movers sa alas-7 ng gabi matapos ang duwelo ng Colegio San Agustin-Biñan at La Salle-Dasmariñas sa alas-4:15 ng hapon sa Collegiate Grand Slam.
Nakuha ng Petron ang 1-0 bentahe sa serye matapos payukuin ang F2 Logistics sa series opener noong Sabado.
Nananatiling malinis ang rekord ng Blaze Spikers sa 13-0 baraha.
Puntirya ng tropa na makumpleto ang matamis na sweep sa kumperensiya para maduplika ang kanilang ginawang pagwalis sa All-Filipino Conference noong 2015.
Inaasahang ibubuhos ng Blaze Spikers ang lahat ng puwersa nito para masikwat ang korona.
Matikas na sasandalan ng Petron sina outside hitters Sisi Rondina at Bernadeth Pons na tunay na nagpasiklab sa Game One, habang aariba rin sina middle hitters Mika Reyes at Remy Palma gayundin si opposite spiker Aiza Maizo-Pontillas.
Magtutulong naman sina setter Rhea Dimaculangan at liberos Ria Duremdes at Pia Gaiser para makabuo ng magagandang plays para sa kanilang attackers.
“While it’s inspiring to break our own record, I always tell my players that we should not forget our main goal which is to win back-to-back (All-Filipino) title. Knowing coach Ramil and his team, they will bounce back for sure. But on our part, we will double, triple or even quadruple our effort in Game 1 to win the title,” ani Petron mentor Shaq Delos Santos.
- Latest