Sino ang magiging no. 1 overall pick?
MANILA, Philippines — Matutupad ba nila ang kanilang pangarap na makapasok sa Philippine Basketball Association o pipihit ang tadhana papalayo sa kahilingan.
Ito ang malalaman ng 47 aplikante sa pinakahihintay na 2018 PBA Annual Rookie Draft ngayon sa Robinson’s Place sa Ermita, Manila.
Magsisimula ang PBA drafting sa alas-4:30 ng hapon kung saan inaasahang unang mapipili ang projected top three picks na sina CJ Perez ng Lyceum Pirates, Bobby Ray Parks, Jr. ng Alab Pilipinas at Robert Bolick ng San Beda Red Lions.
Bunsod ng malamyang anim na panalong kampanya ngayong taon, ang Columbian muli ang may-ari ng first overall pick sa ikalawang sunod na pagkakataon.
Magugunitang ang Columbian rin ang pumili sana ng top pick noong 2017 PBA Rookie Draft ngunit dinala ito sa San Miguel na ginamit ang pagkakataon upang sikwatin bilang first overall pick si Fil-German sensation Christian Standhardinger.
Sa ngayon, ipinangako ng Columbian na hindi papakawalan ang pick sa hangaring masiguro ang NCAA Most Valuable Player na si Perez bilang top pick nito.
Segunda namang pipili ang Blackwater na makailang ulit nang ipinahiwatig na gusto nilang makuha si Parks, ang two-time Asean Basketball League MVP.
Ito ay sa kabila ng ugung-ugong na blockbuster trade na magtutulak ng second overall pick sa TNT Katropa kapalit ang superstar guard na si Terrence Romeo.
Pipili naman sa ikatlong puwesto ang Northport na asinta ang three-time NCAA champion at King Red Lion na si Robert Bolick.
Tangka ng Batang Pier na maging kaakbay ni Pringle si Bolick bilang pinakabagong backcourt partner nito sa pagkakapunta ni Romeo sa TNT ngayong taon.
Matapos namang ibigay sina Dave Marcelo at Alex Mallari sa Phoenix, NLEX na ngayon ang may-ari sa fourth pick, kasunod ng Meralco, Rain or Shine (mula sa TNT), NLEX, Rain or Shine, Alaska, Magnolia, Columbian (mula sa SMB) at Phoenix (mula sa Ginebra).
Ilan sa mga inaasahang aabutan ng mga naturang koponan ay ang mga matunog na first rounders na sina Paul Desiderio, Abu Tratter, Javee Mocon, Bong Quinto, Michael Calisaan, Matt Salem, Jayjay Alejandro at Trevis Jackson.
Hindi naman pahuhuli ang mga Draft Combine standouts na sina CJ Isit ng Mapua at MVP JP Calvo ng Letran gayundin ang nagpasiklab sa skill tests na sina Jeepy Faundo, Joe Allen Trinidad, John Ragasa at Dan Wong.
- Latest