Bolts binalasa ang Aces sa Game One
MANILA, Philippines — Sa pang-pitong sunod na pagkakataon ay naipanalo ng Bolts ang kanilang ‘do-or-die’ game.
Bagama’t naisuko ang itinayong 16-point lead sa second quarter ay hindi bumigay ang Meralco sa paghahabol ng Alaska sa fourth period para tangayin ang 97-92 panalo sa Game One ng kanilang semifinals series para sa 2018 PBA Governor’s Cup kagabi sa Ynares Center sa Antipolo City.
Humataw si 2017 PBA Rookie of the Year Chris Newsome ng 16 points, 7 rebounds at 4 assists para ibigay sa Bolts ang 1-0 bentahe sa kanilang best-of-five semis showdown ng Aces.
Samantala, wala namang iba pang dapat gawin ang nagdedepensang Barangay Ginebra kundi ang bumangon mula sa kabiguan sa Magnolia sa Game One noong Sabado.
“They played the game they wanted to play. We played their game, so we got to be better,” sabi ni two-time PBA Grand Slam champion coach Tim Cone matapos ang 98-106 pagyukod ng Gin Kings sa Hotshots.
Pipilitin ng Ginebra na makatabla sa Magnolia sa Game Two ngayong alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Sa nasabing kabiguan ng Gin Kings sa series opener ay tumapos si import Justin Brownlee na may 37 points, 14 rebounds at 8 assists, habang nagdagdag sina Japeth Aguilar at seven-foot center Greg Slaughter ng 18 at 8 markers, ayon sa pagkakasunod.
Sina import Romeo Travis at combo guard Paul Lee ang nagdala sa Magnolia sa panalo.
Humakot si Travis ng 37 points, 16 boards at 5 assists, habang nagdagdag si Lee ng 27 markers.
“Knowing coach Tim, a many-time champion coach, the winningest coach, he knows kung ano ang mga adjustments na gagawin,” ani Hotshots mentor Chito Victolero sa eksperyensa ni Cone.
- Latest