Lyceum ayaw madungisan ang malinis na record
MANILA, Philippines – Itataya ng Lyceum Pirates ang kanilang 11-0 kartada sa paghaharap sa Emilio Aguinaldo Ge-nerals ngayon sa pagpapatuloy ng 94th NCAA basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Haharapin ng 93rd season runner-up na Pirates ang Generals sa alas-2 ng hapon na susundan ng pagtatagpo ng Jose Rizal Heavy Bombers at Mapua Cardinals sa alas-4 ng hapon.
Kung magwawagi ang Pirates, uusad sila palapit tungo sa pagsu-sweep ng double-round elimination na nagawa rin nilang walisin noong nakaraang taon bago matalo sa San Beda Red Lions, 0-2 sa best-of-three Finals.
Ngunit ayon kay Lyceum head coach Topex Robinson, hindi muna nila iniisip ang sweep dahil marami pang laro ang nalalabi sa kanilang elimination round assignment.
“We’ll just try to focus on what we need to do each game and try to improve in whatever we do. If it comes, it comes,” sabi ni Robinson.
Ang huling panalo ng Pirates ay sa JRU Heavy Bombers kung saan naiwanan pa sila sa 63-68 bago naitakas ang 82-76 panalo noong Biyernes.
Sa una nilang pagtatagpo, pinahirapan din ng EAC Generals ang Pirates bago yumuko, 97-106 noong Hulyo 13.
“Every game is a learning experience, it’s part of the process for us to reach our goal, which is position ourselves to winning a championship,” dagdag ni Robinson.
Inaasahang muling pangungunahan ni reigning MVP CJ Perez ang Pirates na nag-a-averaged ng 21.3 puntos, 8.8 rebounds, 3.2 assists at 3.6 steals kada-laro.
- Latest