Guiao bagong head coach ng Gilas
MANILA, Philippines — Hindi pa tapos ang serbisyo ni head coach Yeng Guiao para sa bayan.
Ito ay matapos tapikin kahapon ang batikang mentor na gabayan ang Gilas Pilipinas sa second round ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifier sa Setyembre.
Kasalukuyan pang nasa Jakarta, Indonesia para sa 18th Asian Games, nakalinya na ang FIBA second round stint kay Guiao ayon sa anunsyo ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio sa pagsasanay ng national squad kahapon.
“The SBP has decided to appoint coach Yeng for the next (FIBA) window. We advised him last night and of course accepted it para sa bansa,” wika ni Panlilio.
Naatasan si Guiao na pansamantalang gumabay sa Gilas bunsod ng one-game suspension kay Gilas head coach Chot Reyes.
Noong Hulyo ay natanggap ni Reyes ang parusa mula sa FIBA gayundin si assistant Jong Uichico, napatawan ng three-game suspension, kasunod ng rambol na kinasangkutan ng Gilas kontra sa Australia noong nakaraang Hulyo 2 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
May 4-2 marka, sasalang ang Gilas sa Setyembre 13 kontra sa Iran at laban sa Qatar sa Setyembre 17 sa isang closed door game.
- Latest