Tigresses susubok sa Lady Falcons
MANILA, Philippines – Masusubukan ang bangis at tibay ng University of Santo Tomas sa pagharap sa wala pa ring talong Adamson University sa Premier Volleyball League Season 2 Collegiate Conference ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
Paglalabanan ng Tigresses at Lady Falcons ang top seeding sa Final Four sa kanilang bakbakan sa alas-2 kasunod ang duwelo ng Far Eastern University Lady Tamaraws at University of the Philippines Lady Maroons sa alas-4.
Kasalukuyang namamayagpag ang UST sa unahan ng team standings hawak ang malinis na 5-0 baraha.
At malaking dahilan nito ay sina high school standout Eya Laure, Filipino-Italian Milena Alessandrini at team captain Tin Francisco na pangunahing pinagkukunan ng puntos ng Tigresses.
Ngunit tiyak na mapapalaban ang UST dahil mataas din ang moral ng Adamson na nagtataglay ng imakuladang 4-0 para kapitan ang No. 2 position.
Ang Lady Falcons ay mamanduhan ni Eli Soyud na kasalukuyang top scorer sa liga matapos makalikom ng 79 puntos sa apat na pagsalang.
Maliban kay Soyud, hahataw din para sa Adamson sina Bernadette Flora, Lea Ann Perez, Trisha Genesis, Jane Igao at Chiara Permentilla.
Armado rin ang Lady Falcons ng matikas na depensa partikular na sa floor defense na nasilayan sa kanilang mga nakalipas na laro.
Sa kabilang banda, parehong nagnanais ang Tamaraws at Lady Maroons na makalikom ng panalo para manatili sa Magic 4.
Kasalukuyang may 4-1 marka ang FEU, habang nakabuntot ang UP na may 3-2 baraha.
Sa men’s division, magpapang-abot naman ang National University Bulldogs at Adamson Falcons sa alas-9 ng umaga at ang FEU Tamaraws at San Beda Red Spikers sa alas-11 at ang College of Saint Benilde Blazers at De La Salle University Green Archers sa alas-6 ng gabi.
Bitbit ng Bulldogs ang 5-1 baraha katapat ang Falcons na may 4-2 marka.
- Latest