Arum ‘nililigawan’ si Manny Pacquiao pabalik sa Top Rank
MANILA, Philippines — Isang araw lamang ang itinagal ni Bob Arum ng Top Rank Promotions at kaagad bumalik ng United States kahapon.
Dumating si Arum kasama si Top Rank president Todd duBoef sa General Santos City noong Biyernes ng umaga sakay ng isang private jet para makipag-usap kay Manny Pacquiao.
“Nag-usap lang about sa plano or wala pa namang na-finalize,” sabi ni Pacquiao sa panayam ng ABS-CBN. “Wala pa, nag-uusap pa kami, nag-uusap kami.”
Matapos ang kanyang unanimous decision loss kay Jeff Horn noong Hulyo ng 2017 sa Brisbane, Australia ay nagwakas na rin ang promotional contract ni Pacquiao kay Arum.
Sa nasabing laban ay hinubad ni Horn ang suot na World Boxing Organization welterweright belt sa ulo ni Pacquiao.
Kaya nang labanan si Lucas Matthysse ng Argentina noong Hulyo 15 sa Kuala Lumpur, Malaysia ay ang kanyang sariling MP Promotions ang namahala.
Tinalo ng 39-anyos na si Pacquiao ang 25-anyos na si Matthysse via seventh-round stoppage para agawin sa Argentine ang suot nitong World Boxing Association welterweight crown.
Balak ng Filipino world eight-division titlist na muling lumaban sa Disyembre 2.
Ang nasabing pagbisita ni Arum kay Pacquiao ay maaaring senyales ng pag-aalok ng veteran promoter sa kanyang mga boksingero sa Top Rank Promotions para labanan ni ‘Pacman’.
Kabilang sa mga maaaring labanan ni Pacquiao mula sa Top Rank ay sina Terence Crawford at Vasyl Lomachenko.
Kamakailan ay nagparamdam si dating British world titlist Amir Khan ng kahandaang labanan si Pacquiao na dati niyang sparmate sa ilalim ni chief trainer Freddie Roach.
Si Roach ay inilaglag ni Pacquiao at hinirang ang kababatang si Buboy Fernandez bilang bagong lead trainer sa kanyang laban kay Matthysse.
Wala pang pahayag si Pacquiao kung sino ang susunod niyang haharapin sa Disyembre 2.
- Latest