NCAA Press Corps Player of The Week
MANILA, Philippines — Itinuturing na isa nang bayani si JP Maguliano para sa Emilio Aguinaldo Generals dahil sa malaking panalo laban sa paboritong San Sebastian Stags, 79-77 sa 94th NCAA basketball tournament noong Biyernes.
Humakot ng kabuuang 30 puntos na may kasama pang 17 rebounds si Maguliano para masungkit ng Generals ang unang panalo sa limang laro at umangat sa solong ika-9 na puwesto.
Kaya unanimous ang pagpili kay Maguliano bilang Chooks-to-Go NCAA Press Corps Player of the Week para sa linggong Hulyo 30 hanggang Agosto 5 para maging kauna-unahang Generals na nakatanggap sa nasabing lingguhang parangal sa season na ito.
“Benching him in our last game (laban sa San Beda), he delivered today. Good for the team na hindi lang kami nagre-rely sa first group,” sabi ni EAC coach Ariel Sison.
Matapos mabigong makakuha ng playing spot sa Adamson Soaring Falcons, lumipat ang 19-an-yos na si Maguliano sa EAC Generals at hindi niya binigo si coach Sison.
“Nawawalan na ako ng pag-asa kasi magti-third year na po ako sa Adamson noon at parang wala nang patutunguhan talaga kaya nagpasiya na akong lumipat,” ayon kay Maguliano.
Ang ibang pinagpilian para sa naturang weekly honor ay sina reigning MVP CJ Perez ng Lyceum, Bong Quinto ng Letran at sina San Beda teammates Robert Bolick at Avee Mocon.
- Latest